Si Langgam at ang Kanyang Emergency Fund
Sino ba naman ang makakalimot sa kwento ng langgam at ng tipaklong? Bata pa lang tayo ay pinag-aaralan na natin ang aral sa loob ng kwento. Hayaan niyong ibahagi ko ang sarili kong bersyon.
“Isang hapon, may isang tipaklong ang masayang patungo sa inuman. Habang naglalakad, nakasalubong niya ang langgam na patuloy pa din sa pagtatrabaho. Inaya ng tipaklong ang langgam subalit tinaggihan lamang sya nito at nagsabi, ‘Salamat kaibigan, ngunit marami pa akong dapat tapusin para sa pagsapit ng tag-ulan ay mayroon akong kakainin’. ‘Nako naman langgam, ang KJ mo naman! Matagal pa yun. Tignan mo ang ganda ng araw’! Hindi pinansin ng langgam ang kaibigan at nagpatuloy lamang sa knyang ginagawa. Hindi nagtagal, sumapit ang isang bagyo. Masaya si langgam dahil tamang tama lang ang kanyang naipon para makakain. Sa kabilang dako naman, nagsisi ang kaibigan ni langgam dahil sa kanyang pagiging happy go lucky. Dahil wala syang pera pambili ng pagkain, namatay ang kaawa-awang tipaklong.” ~Wakas~
Hindi lingid sa ating kaalaman na puno ng aral ang kwentong ito, iba’t iba man ang bersyon. Pero bakit nga ba karamihan sa atin ay hindi pa rin natututo?
Gaya ng langgam, kailangan nating magipon para sa oras ng sakuna ay meron tayong pondo na magagamit. Ang tawag sa ipon na ito ay Emergency Fund.
Ang Emergency fund ay isang klase ng pondo na kung saan pwede mong gamitin kapag may mga dumating na hindi inaasahang bayarin na kayang tumagal mula tatlo hanggang anim na buwan. Halimbawa, biglaang pampagamot kapag may sakit o kaya bigla kang natanggal sa trabaho. Pwede mo ring gamitin ang iyong emergency fund sa mga biglaang gastusin sa bahay.
Ang emergency fund ay mas makakabuting itago sa lehitimong bangko upang sa gayo’y medaling ma-withdraw kapag kailangan. Ngunit konting paalala kaibigan, ang pagbili ng bagong kagamitan or gadget ay hindi isang emergency. Alamin ang kaibahan at dapat may disiplina sa kaperahan. Ating tularan si langgam na may emergency fund.